Safe Motherhood Program, isinusulong sa Mabalacat City
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan at paggunita sa Araw ng mga Buntis ngayong 2023, ang Pamahalaang Lungsod ng Mabalacat – Population, Gender and Development Office ay nagsagawa ng mga seminar sa 4 na Rural Health Units sa syudad.
Ang aktibidad ay nakaangkla sa temang “Paglingap kay Nanay tungo sa Malusog at Ligtas na Pagdadalangtao”.
Nakasentro ang mga lecture sa Maternal and Child Care, First 1000 Days & Breastfeeding, Family Planning, Sexually Transmitted Diseases at HIV Awareness.
Nasa 100 buntis at mga kababaihan mula sa 27 barangay ng Mabalacat City ang sumali sa seminar.
Ang nasabing aktibidad ay naglalayong tiyakin ang malusog na pagbubuntis at ligtas na panganganak, wastong pangangalaga sa bata, at maiwasan ang mga problemang pangkalusugan.
Isinusulong din nito ang pagpapaiting sa mga serbisyong makukuha sa Rural Health Units.
Alinsunod sa layunin ng National Safe Motherhood Program and Sustainable Development Goals on Maternal Health, inaasahan ng LGU na mapabuti ang maternal, neonatal at child health gayundin ang mabawasan ang nasasawing mga nanay at mga sanggol.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng prenatal at postnatal consultations, IEC materials ng wastong nutrisyon, gayundin ng kaukulang mga laboratory test na kailangan upang matiyak ang ligtas at malusog na pagbubuntis.