13th month pay ng mga empleyado, dapat ibigay bago mag-Pasko: DOLE
Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga private sector employer na dapat maibigay ang 13th month pay on or before December 24, 2026.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 21, Series of 2026, saklaw nito ang mga rank-and-file employee anuman ang kanilang posisyon, designation o employment status, sa kondisyong nakapagtrabaho sila nang hindi bababa sa isang buwan.
Kabilang din dito ang mga piece-rate worker, tumatanggap ng fixed wage at commission, may higit sa isang employer, gayundin ang mga nag-resign o natanggal sa trabaho bago matapos ang taon.
May karapatan din dito ang mga nag-maternity leave at nakatanggap ng salary differential.
Ayon sa DOLE, hindi ito basta katumbas ng isang buwang sahod. Ang minimum na matatanggap ay one-twelfth (1/12) ng kabuuang basic salary na kinita ng empleyado sa loob ng calendar year.
Ibig sabihin, pagsasamahin ang basic salary na natanggap sa buong taon at hahatiin ito sa labindalawa.

Pero paglilinaw ng ahensya, hindi otomatikong kasama sa computation ang overtime pay, night shift differential, allowances at bayad sa hindi nagamit na leave credits.
Gayunman, maaari pa rin daw itong isama kung nakasaad sa collective agreement, company policy o nakagawiang patakaran ng kumpanya.
At kahit hindi umabot sa Disyembre ang pananatili sa trabaho, hindi nangangahulugang wala nang matatanggap na 13th month pay.
Ayon sa DOLE, may karapatan pa rin sa proportionate payment ang mga nag-resign o natanggal sa trabaho, batay sa basic salary na kanilang kinita bago umalis.
Samantala, iginiit ng DOLE na hindi nila tatanggapin o papayagan ang anumang kahilingan o aplikasyon para sa exemption o pagpapaliban ng benepisyong ito. Babantayan din ng kanilang mga regional at field office ang pagsunod ng mga employer. #
