₱14/L bawas-presyo sa gasolina, nakaamba sa susunod na linggo

Posibleng umabot ng hanggang ₱14 kada litro ang tapyas-presyo sa gasolina sa susunod na linggo, kasabay ng inaasahang pagbaba rin sa presyo ng diesel at kerosene.
Batay sa paunang pagtataya ng Department of Energy (DOE), maaaring bumaba nang ₱14 ang kada litro ng gasolina, ₱5/L ang diesel, at ₱5.20/L naman ang kerosene.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, kabilang sa mga nakaapekto sa pagbaba ng presyo ng langis ang resulta ng midterm elections sa Amerika.
Nagkaroon umano kasi ng posibilidad na ma-control ng oposisyon ang Kongreso, na maaaring maglimita sa kakayahan ng Trump administration na maisulong ang mga polisiya nito nang walang malaking pagtutol.
Gayunman, nilinaw ni Abad na paunang pagtataya pa lamang ito batay sa unang 4-day trading at posible pa raw magbago depende sa aktwal na galaw ng presyo at supply ng langis sa world market sa mga susunod na araw.
Sa Lunes, November 9, iaanunsyo ng ahensya ang pinal na oil price adjustments na ipatutupad naman kinabukasan. #
