Wala pang 2026 unprogrammed funds na inilalabas sa mga probisyong tinukoy ng Korte Suprema: DBM
Wala pa raw inilalabas na pondo mula sa 2026 unprogrammed appropriations sa ilalim ng dalawang probisyong tinukoy ng Supreme Court sa desisyon nito kaugnay ng 2024 at 2025 National Budgets, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay DBM Secretary Kim Robert De Leon, tanging mga pondong para sa foreign-assisted projects (FAPs) na suportado ng mga pautang ang naipalabas na mula sa 2026 unprogrammed appropriations.
Nilinaw ng kalihim sa pagdinig ng Senado ngayong Huwebes, October 22, na wala pang releases sa ilalim ng Special Provision Nos. 1(A) at 1(B), habang sinusuri ng ahensya ang legal na epekto ng desisyon ng Korte Suprema sa paggamit ng unprogrammed funds.
Dahil dito, isinusulong ng Senado ang mas mahigpit na safeguards sa panukalang 2027 National Budget upang matiyak na naaayon sa Konstitusyon ang mga probisyon nito.
Hiniling ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito sa DBM na tukuyin ang mga probisyong kailangang amyendahan upang maiwasan ang panibagong kontrobersya. Samantala, iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na dapat umayon sa Konstitusyon ang mga probisyon ng pambansang budget.
Ayon sa DBM, binawasan na ang mga programang saklaw ng 2027 unprogrammed appropriations, kabilang ang pagtanggal sa probisyon para sa Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP).
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Office of the Solicitor General upang linawin ang epekto ng desisyon sa mga pondong hindi pa nailalabas at sa mga obligasyon ng gobyerno. Pinag-aaralan din nito ang mas mahigpit na kondisyon at pananagutan sa pagpapalabas ng pondo. #
