Rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant, tinutulan dahil sa banta sa kaligtasan
Hindi sapat ang pangakong malinis at murang kuryente kung kaligtasan ng buong komunidad ang posibleng nakataya.
Ito raw ang pangamba ng mga kabataang Bataeño sa planong rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), kasabay ng pagsusulong sa Kongreso ng panukalang batas para sa integration ng nuclear energy sa sektor ng kuryente sa bansa.
Sa gitna ng mabilis na pag-usad ng deliberasyon sa House Bill No. 8567, iginiit ng mga grupong tumututol sa nuclear energy na dapat munang pakinggan ang mga komunidad na posibleng maapektuhan, bago magpasya sa kinabukasan ng naturang planta sa Morong, Bataan.
Ang naturang panukala ay ihinain ni Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco, na siya ring kasalukuyang Chairperson ng Special Committee on Nuclear Energy ng Kamara.
Kabilang sa mga nagpahayag ng pangamba ang Young Bataeños for Environmental Advocacy Network o YoungBEAN, na nananawagan ng mas makabuluhang konsultasyon sa publiko, lalo na sa mga kabataang haharap sa pangmatagalang epekto ng mga desisyon dito.
Sa pananaw ng grupo, hindi sapat na pagtuunan lamang ng pansin ang teknikal na usapin ng nuclear energy. Dapat din daw isaalang-alang ang posibleng epekto nito sa kaligtasan ng mga residente at sa susunod na henerasyon.
Binigyang-diin din ni Beren na mahalaga ang boses ng kabataan sa mga usaping may kinalaman sa sustainability, lalo’t dalawa umanong planta ng nuclear energy ang isinusulong sa lalawigan.
Kinuwestiyon din niya kung paano mabibigyang-pansin ang pagtutol ng mga komunidad kung tila nakahanda na ang mga plano para sa rehabilitasyon ng BNPP, sa kabila ng mga pangamba ng mga residente.
Kasabay nito, iginiit ng Nuclear-Free Bataan Movement o NFBM-Philippines at mga kaalyadong organisasyon na hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng tao at kalikasan sa paghahangad ng mas murang kuryente.
Bilang babala, itinuro ng grupo ang mga aksidenteng naganap sa Three Mile Island sa Pennsylvania, Chernobyl sa Ukraine, at Fukushima sa Japan, na ayon sa kanila ay nagpapakita ng malulubhang panganib na maaaring idulot ng nuclear power.
Nanawagan din ang mga grupo sa mga mambabatas na huwag magmadali sa pag-aprubar ng nasabing House Bill. Dapat daw ay tiyaking may sapat na pagkakataon ang publiko na makilahok sa mga pagdinig.
Sa muling pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa probinsya ng Bataan, panawagan ng mga tutol sa BNPP na unahin ang kaligtasan ng mga residente at pangangalaga sa kalikasan. #
