Bulacan bettor, solo winner ng ₱94.8-m jackpot prize sa Lotto 6/42
Isang maswerteng mananaya mula sa lalawigan ng Bulacan ang nakakuha ng tumataginting na ₱94,813,839.57 na jackpot prize sa Lotto 6/42 draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Martes ng gabi, October 13.
Sa inilabas na abiso ng PCSO, nahulaan ng lucky bettor ang winning combinations na 42-05-15-26-19-40.
Mayroon siyang isang taon para i-claim ang kanyang premyo sa PCSO main office sa Mandaluyong City, dala ang orihinal na winning ticket at dalawang valid government-issued IDs. Ginaganap ang Lotto 6/42 draw tuwing Martes, Huwebes at Sabado.
Samantala, wala namang nakakuha sa jackpot prizes ng Ultra Lotto 6/58 at Super Lotto 6/49 sa parehong gabi.
Umuabot na sa mahigit ₱392 million ang jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58 matapos walang makahula sa winning combination na 35-49-26-12-10-57.
Wala ring nakahula sa kumbinasyong 04-46-36-40-22-20 sa Super Lotto 6/49, na may jackpot prize na mahigit ₱46 million.
Ipinaalala naman ng PCSO na ang mga napanalunang halaga na lampas sa ₱10,000 ay may katumbas na 20% tax alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Hinikayat naman ng pamunuan ng ahensya ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga laro dahil nakatutulong umano ang kita nito sa pondong inilalaan para sa health service, medical assistance at iba pang programa ng pamahalaan. #

