Pagdami ng informal settlers sa Abacan River, hamon sa infra development ng Angeles City: DPWH
Patuloy na hamon sa pagpapatupad ng mga urban development project sa Angeles City ang pagdami ng informal settler families (ISFs) sa paligid ng Abacan River, partikular sa mga lugar na itinuturing na no-build zones, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa drone footage na kuha ni Paulo Gee Santos ng CLTV36 News sa Barangay Pandan, makikita ang magkakadikit na kabahayan sa tabi ng Abacan River. Ilan sa mga ito ay gawa sa light materials at nakatukod sa mahahabang kawayan na nagsisilbing suporta sa mga istruktura.
Batay sa naunang ulat ng CLTV36 News, kinilala ng DPWH Pampanga 3rd District Engineering Office na isa sa mga hamon sa pagpapatupad ng infra projects, kabilang ang Abacan Access Road at slope protection projects, ang presensya ng mga kabahayang nakatayo sa mga lugar na itinuturing na no-build zones.
Bilang hakbang upang mapigilan ang karagdagang pagpapagawa ng mga istruktura sa mga restricted area, isinusulong ng DPWH ang pagtatayo ng perimeter fence upang maprotektahan ang mga imprastraktura sa paligid ng ilog.
Samantala, ayon kay Barangay Pandan Chairman Cors Alejandrino, batay sa pinakahuling census noong 2025, tinatayang nasa 3,000 kabahayan o humigit-kumulang 12,000 indibidwal ang kabilang sa informal settler population sa paligid ng Abacan River. #

