₱975-B proposed budget ng DepEd para sa 2027, aprubado ng Kamara

Inaprubahan ng House of Representatives ang ₱975.96-billion na panukalang budget ng Department of Education (DepEd) para sa 2027.
Kabilang sa mga paggagamitan ng pondo ang pagpapalakas ng security sa mga paaralan, learning recovery, pagpapatayo at pag-aayos ng mga classroom, at pagdadagdag ng mga guro, ayon sa kagawaran.
May pondo rin para sa mental health at psychosocial support ng mga mag-aaral, kabilang ang pagkuha ng School Counselor Associates at iba pang support staff sa ilalim ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Samantala, patuloy na palalawakin ng DepEd ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program, na nakatuon sa mga learner na nahuhuli sa pagbabasa at iba pang fundamental skills.
Giit ng DepEd, nakatulong ang mga intervention sa ilalim ng ARAL para mapababa ang bilang ng struggling readers mula 6.7 million sa 2.2 million noong School Year 2025–2026.
Gagamitin din ang pondo para sa pagpapalawak ng School-Based Feeding Program, Special Needs Education, Madrasah at Indigenous Peoples Education, na nagbibigay ng mga special service at learning support para sa iba’t ibang pangangailangan ng mga mag-aaral.
Bukod dito, lalaanan din ng budget ang mga security personnel, pagbili ng mga metal detector, at pagpapatayo ng mga perimeter fence sa mga eskwelahan, lalo na matapos ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ngayong 2026, umabot sa ₱1.015-trillion ang kabuuang budget ng DepEd sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA). Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na lumampas sa ₱1-trillion ang pondo ng kagawaran para sa iba’t ibang education reform.
Ang ₱975.96-billion na halaga ay bahagi ng panukalang budget ng ahensya para sa Fiscal Year 2027. Daraan pa ito sa mga susunod na yugto ng proseso ng pagpasa ng national budget bago maging ganap na batas. #
