EXCLUSIVE: Hindi otorisadong pagtanggal sa drainage cover, sanhi ng pagkasawi ng pedestrian sa Angeles City: DPWH
Iginiit ng Department of Public Works and Highways-Region Three (DPWH-III) na may takip ang kanal sa Fil-Am Friendship Highway, Brgy. Cutcut, Angeles City kung saan nahulog at nasawi ang isang lalaki noong August 28.
Batay sa ocular inspection na ginawa ng kagawaran isang araw matapos ang insidente, nakita na may tapyas at basag ang drainage cover na resulta umano ng hindi otorisadong pagbubukas nito. Posibleng ito umano ang nagpahina sa structural integrity ng bahagi ng kanal kaya tuluyang itong bumigay nang matapakan.

“The drainage cover may have been intentionally removed or disturbed, without notice to this Office, to provide an opening that would serve as an outfall for ponded water, particularly during periods of heavy rainfall. This arrangement appears to have been intended to facilitate the discharge of accumulated surface water into the drainage system,” paliwanag pa ng ahensya.
Bagamat nasa jurisdiction ng DPWH ang Fil-Am Friendship Highway o West Circumferential Road, wala naman umano silang control sa nangyaring hindi otorisadong pagtatanggal sa takip ng kanal. Wala rin daw natanggap na ulat ang kanilang tanggapan ukol sa mga sira o nawawalang drainage cover sa nasabing area bago ang nangyaring trahedya.

Ibinahagi rin ng DPWH ang CCTV image na may petsang August 10, 2026. Makikita sa mga larawan na may takip ang nasabing kanal subalit mayroong nakalagay na harang na inilagay umano ng hindi pa nakikilalang indibidwal upang magbigay-babala ukol sa sirang drainage cover.
Nagsagawa na rin umano ng pallative measure ang kagawaran at nilagyan na ng concrete cover ang nasabing kanal.

“The DPWH is conducting further investigation and coordinating with the other concerned agencies to determine the main cause, as well as to identify the person who unauthorizedly removed or tampered the drainage cover,” ayon sa DPWH.
Hapon noong August 28, kasagsagan ng pananalasa ng Habagat, nang mahulog sa nasabing kanal ang 25-anyos na si Reinster Novero. Naging sanhi ito ng kanyang pagkasawi at narecover ang kanyang katawan sa ilalim ng tulay sa tapat ng Mansfield Residences sa Brgy. Sto. Domingo ng nasabing siyudad.
-30-
