Baha sa San Jose, Calumpit, patuloy na tumataas
By Vin Dela Peña, CLTV36 News
Lubog pa rin sa mataas na baha ang Barangay San Jose, Calumpit, Bulacan, ngayong Miyerkules, August 19. Kasunod ito ng muling pagbuhos ng ulan ngayong linggo dulot ng Habagat o southwest monsoon.
Sa kabila ng patuloy na pagbaha, karamihan sa mga residente ang nananatili pa rin sa kanilang mga tahanan at hinihintay na lamang na bumaba ang lebel ng tubig.

Sa kasalukuyan, binabaha pa rin ang 29 na barangay sa bayan ng Calumpit, habang umabot na sa 946 na pamilya ang kinailangang lumikas.
Ayon naman sa Calumpit Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), malalaki at matataas na sasakyan lamang ang makakadaan sa mga barangay road ng San Jose, Calizon, Bulusan, Sta. Lucia, Frances, at Gugo. Samantala, hindi pa rin madaanan ng anumang sasakyan ang Sitio Nabong Road sa Brgy. Meysulao at Feeder Road sa Brgy. Gugo.

Patuloy ang paalala ng mga otoridad sa mga residente ng Calumpit na mag-ingat at manatiling alerto.
Para sa mga nangangailangan ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa Calumpit MDRRMO na 0962-351-5944. #
