Labi ng mag-inang Kapampangan na nasawi sa Baguio landslide, naihatid na
Naihatid na sa Pampanga ang labi ng mag-inang mula Sta. Ana na kabilang sa mga nasawi sa malagim na landslide sa Purok 2, Riverside, Barangay Guisad Surong, Baguio City noong August 9, 2026. Kinilala ang mga biktima na sina Ana Theresa Policarpio at kanyang anak na si Lance Paule.

13 katao ang natabunan matapos gumuho ang bahagi ng bundok at matabunan ang tatlong bahay bunsod ng malakas na pag-ulan. Matapos ang search, rescue and retrieval operations, 10 biktima ang kumpirmadong nasawi habang tatlo ang nailigtas nang buhay.
Ayon kay Jeffrey Policarpio, kapatid ni Ana Theresa, bago ang trahedya ay nakausap pa umano sa telepono ng kanilang ina ang biktima na noon ay nasa Baguio City. Ikinuwento pa raw nito ang patuloy at malakas na pag-ulan sa lugar. Ngunit makalipas ang ilang oras ay bigla na lamang hindi na ma-contact ang mag-ina hanggang sa mabalitaang kabilang sila sa 13 kataong natabunan ng landslide.
Kasunod ng insidente, idineklara ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na no-build zone ang ground zero ng landslide sa Guisad Surong. Batay sa assessment ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), delikado ang kondisyon ng lupa at hindi na ligtas na muling tayuan ng mga istruktura ang apektadong bahagi.
Binigyang-diin naman ni Engr. Charles Bryan Carame, CDRRMO Chief ng Baguio City, ang kahalagahan ng agarang pagsunod sa evacuation orders, lalo na sa mga residenteng nakatira sa landslide-prone at danger zones.
Para sa pamilya Policarpio ng Sta. Ana, Pampanga, ang trahedya ay hindi lamang isa sa mga numerong naitala sa landslide kundi isang masakit na pagkawala. Ngayon, ang dalawang Kapampangan ay iniuwi na sa kanilang bayang pinagmulan upang doon ihatid sa kanilang huling hantungan. #
