Conflict of Interest Declaration, kailangan na sa COC ng mga kandidato
Magkakaroon ng dagdag na requirement ang mga naghahangad na kumandidato sa halalan matapos aprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasama ng ‘Sworn Declaration on Conflict of Interest’ sa Certificate of Candidacy (COC).
Sisimulan ito sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Nobyembre, batay sa inilabas na minute resolution ng Comelec en banc.
Sa pamamagitan ng deklarasyon, patutunayan ng mga kandidato na susundin nila ang mga umiiral na batas laban sa conflict of interest, kabilang ang Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Layon ng hakbang na tiyaking maiiwasan ng mga elected official ang pagkakaroon ng financial o personal interest sa mga transaksyong maaaring makaapekto sa kanilang tungkulin sa gobyerno.
Nilinaw naman ng Comelec Law Department na hindi ito karagdagang kwalipikasyon sa pagtakbo, kundi isang pormal na pahayag ng kanilang pangakong tatalima sa mga umiiral na batas.
“These are not new conditions imposed for purposes of candidacy. More importantly, the declaration will promote transparency and place each aspirant/candidate on record regarding financial interests that may affect the faithful performance of official duty,” saad ng Komisyon.
Inilabas ng Comelec ang bagong direktiba kasunod ng mga ulat nitong nakalipas na linggo kung saan ilang opisyal ang tinukoy ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na umano’y nagkaroon ng conflict of interest sa government projects. Kabilang sa mga hayagang pinangalanan sina dating Pampanga 3rd District Representative Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. at Tarlac 2nd District Rep. Cristy Cuello-Angeles. #
