Tinatayang ₱2-M na fake food enhancer, nasabat sa bodega sa Bulacan
Nabisto ng National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) ang isang bodega sa Malolos City, Bulacan na umano’y pinag-iimbakan ng mga pekeng food enhancer.
Sa operasyon nitong Lunes, August 3, nakumpiska ng mga otoridad ang 22,860 bundle o katumbas ng 381 boxes ng hinihinalang counterfeit food seasoning na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2 million.
Isinagawa ang raid matapos makatanggap ng reklamo ang NBI mula sa kinatawan ng may-ari ng trademark na MAGGI Magic Sarap hinggil sa umano’y bentahan ng pekeng produkto.
Bago ang mismong raid, nagkasa muna ang ahensya ng serye ng surveillance at test-buy operations kung saan nakumpirma sa pagsusuri na counterfeit nga ang mga nabiling sample.
Batay sa imbestigasyon, ipinamamahagi umano ang mga produkto sa mga wholesaler, mga pwesto sa pamilihan, at maging sa online selling platforms.
Nagbabala naman ang ahensya sa publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga produktong ibinebenta sa napakababang presyo dahil maaaring counterfeit ang mga ito at hindi dumaan sa wastong pagsusuri.
Inihahanda na ng NBI ang pagsasampa ng kasong trademark infringement at unfair competition sa Malolos City Prosecutor’s Office, laban sa mga may-ari ng nasabing bodega. #
