Preparasyon para sa Pax Silica, patuloy sa kabila ng mga pagtutol
ANGELES CITY, Pampanga — Sa kabila ng mga protesta laban sa Pax Silica, sa kalsada man o sa social media, patuloy pa rin ang pamahalaan sa paghahanda para sa damubahalang data center na itatayo sa New Clark City na sakop ng Capas, Tarlac.
Kamakailan ay lumagda ng isang partnership agreement ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na nagtatakda sa Port of Subic bilang pangunahing maritime gateway para sa Pax Silica supply chains.

“The Port of Subic Bay offers a strategic advantage. It serves as a critical gateway that enables the efficient movement of raw materials into the country and the timely delivery of finished products to customers,” ani Engr. Joshua Bingcang, President & CEO ng BCDA.
Patunay rin umano ang partnership agreement ng BCDA at SBMA sa whole-of-government approach ng Marcos, Jr. administration sa usapin ng economic development.
Samantala, tiniyak naman ni SBMA Chairperson Eduardo Jose L. Aliño ang kahandaan ng Subic Port para sa nasabing proyekto at sinabing patunay ito sa strategic location ng freeport sa Luzon Economic Corridor.
Pangamba sa proyekto
Bagama’t may mga pangakong lilikha ng trabaho para sa mga Pilipino at maglalagay sa bansa sa advanced technology global map ang Pax Silica, may mga kababayan pa rin tayong nagpahayag ng pangamba at pagtutol dito.

Kabilang sa mga labis na maaapektuhan ng proyekto ang hindi bababa sa 92 magsasaka sa Barangay O’Donnell, Capas, Tarlac. Sa panayam ng CLTV36 News kay Barangay Captain Wendelle Mercado, sinabi niyang naipamahagi na sa mga apektadong magsasaka ang mga abisong lisanin ang kanilang lupang tinatamnan.
“Pumupunta po sila sa barangay at nangangamba sa kanilang kabuhayan. Sinukat na ang lupa pero hindi pa malinaw kung saan sila pupunta,” ani Mercado.
Para naman sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Gitnang Luson, matagal nang nakararanas ng dislokasyon at paghihigpit ang mga Aeta at magsasaka sa Capas at maaari pa umano itong lumala kapag naipatupad ang proyekto.
Nagbabala ang kanilang tagapagsalita na si Eco Dangla sa posibleng pagmimina sa kabundukan at iginiit na bagama’t lilikha ng trabaho ang Pax Silica, mababa lamang umano ang sahod kumpara sa kikitain ng mga dayuhang korporasyon.
Samantala, sa mga naunahang pahayag, sinabi ni BCDA President & CEO Bingcang na pag-aari ng ahensya ang lupang sakop ng Pax Silica. Nakalaan umano ang lugar para sa industrial development at bahagi ng programa ng pamahalaan para sa paglago ng ekonomiya.
###
