Mas malawak na imbestigasyon sa mga proyektong nasuplayan ng Chuangxing Steel, panawagan ni Angeles Mayor Jon Lazatin
Nanawagan si Angeles City Mayor Jon Lazatin II na palawakin ang imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng government infrastructure at pribadong construction projects na maaaring nasuplayan ng bakal mula sa Chuangxing Steel Inc. sa Magalang, Pampanga. Ito ay kasunod ng initial findings ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagguho ng isang gusali sa Barangay Balibago.
Ayon kay Lazatin, malaking tulong sa isinasagawang fact-finding investigation ng Angeles City Government ang resulta ng forensic at technical investigation ng NBI sa steel manufacturing company, na ayon sa mga otoridad ay kabilang sa mga supplier ng steel materials na ginamit sa naturang gusali.

Aniya, kung mapatutunayang hindi pumasa sa itinakdang standards ang kalidad ng bakal, mahalagang matukoy agad kung saan pa ito naipamahagi upang maprotektahan ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang posibleng panibagong trahedya.
Ang Chuangxing Steel Inc. ay isinailalim sa operasyon ng NBI bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa umano’y paglabag sa mga pamantayan sa kalidad ng bakal. Samantala, sinabi ng kumpanya na makikipagtulungan ito sa lahat ng otoridad at iginiit na mayroon itong mga kinakailangang permit. Sinabi rin nitong susundin nito ang lahat ng legal na proseso habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa ngayon, wala pang pinal na findings ang mga otoridad hinggil sa pananagutan ng kumpanya.
Binigyang-diin naman ni Lazatin na kung mapatutunayang substandard ang bakal na ginamit sa gusali, maaari itong isa sa mga naging dahilan sa mabilis na pagguho nito kahit walang naitalang lindol sa lugar. Gayunman, sinabi niyang kung mapapatunayang may paglabag, hindi lamang ang manufacturer ang dapat managot kundi maging ang iba pang mga may responsibilidad sa disenyo, konstruksyon, inspeksyon, at pagpapatupad ng proyekto. #
