₱900-K halaga ng illegal fertilizer at kagamitan, nasamsam sa Nueva Ecija
Daan-daang sako ng umano’y iligal na abono ang nasamsam ng mga otoridad matapos nilang salakayin ang isang unregistered fertilizer manufacturing facility sa Brgy. Sta, Monica, Rizal, Nueva Ecija nitong July 15.
Kabilang sa mga nakumpiska ang nasa humigit-kumulang 500 sako ng illegal fertilizer, 21 granulator machine, at ilang delivery truck na tinatayang nagkakahalaga ng ₱900,000.

Natunton ang pasilidad matapos maaresto ang isang hinihinalang ahente ng ilegal na manufacturer na nagbigay ng impormasyon sa lokasyon ng bodega.
Kinilala ng mga otoridad ang may-ari na si Daniel Delos Santos, 52, proprietor ng Don Fertilizer Manufacturing.
Batay sa imbestigasyon, lumabas na wala umanong kaukulang permit at lisensya ang pasilidad para sa paggawa ng abono at hindi rin ito rehistrado sa Fertilizer and Pesticide Authority (FPA).
Nasa kustodiya na ng FPA ang mga nakumpiskang abono, kagamitan, at mga sasakyan habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon.
Inihahanda naman ng pulisya ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1144 laban sa may-ari. #
