$80-M U.S. defense equipment, naihatid na sa Clark; Pax Silica tech hub, isinusulong sa New Clark City
Pinagtibay ng Estados Unidos ang suporta nito sa Pilipinas sa larangan ng seguridad at economic development sa pagbisita ni U.S. Ambassador Lee Lipton sa Clark, Pampanga at New Clark City, Tarlac.
Inanunsyo ni Lipton ang matagumpay na paghahatid ng US ng $80 milyong halaga ng critical defense equipment sa Clark, na aniya’y patunay ng matibay na alyansa ng dalawang bansa.

Tinungo rin ng ambassador ang site ng Pax Silica Economic Security Zone sa New Clark City, kung saan planong itayo ang isang 4,000-acre o halos 1,619 hectare AI at supply chain hub na inaasahang magiging kauna-unahang physical facility sa ilalim ng US-led Pax Silica initiative.
Target daw ng proyekto na suportahan ang AI infrastructure, advanced manufacturing, semiconductor packaging, critical mineral processing, at iba pang emerging industries bilang bahagi ng layunin ng Pilipinas na palakasin ang papel nito sa global technology industry.

Ayon kay Lipton, inaasahang magdadala ang proyekto ng mga bagong investments, infrastructure, at high-value job opportunities para sa mga Pilipino kasabay ng pagpapalalim ng partnership ng Pilipinas at Estados Unidos.


Samantala, bagama’t nakikita ng ilan ang potensyal nito sa trabaho at pamumuhunan, may mga grupo ding nangangamba sa posibleng epekto nito sa soberanya, likas na yaman, pambansang seguridad, at mga komunidad na maaapektuhan ng proyekto. #
