Paglabag sa mga ordinansa sa basura sa Mexico, may multa at posibleng kulong
Mahaharap sa multa, community service, o pagkakakulong ang mga residente ng Mexico, Pampanga na lalabag sa mga ordinansa ng munisipyo hinggil sa wastong pamamahala ng basura.
Sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 018-A-2025 at Municipal Ordinance No. 035-2017, ipinagbabawal ang pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar tulad ng mga kalsada, bangketa, kanal, estero, parke, at mga establisyimento.
Ipinagbabawal din ang open burning o pagsusunog ng basura, gayundin ang maagang paglalabas ng basura bago dumating ang authorized garbage collection truck ng munisipyo.
Nakasaad din sa ordinansa na ang mga basura ay dapat ilagay sa mga lalagyang may takip o selyadong plastic bag at ilabas lang sa itinakdang oras ng pangongolekta.
Maaaring maharap ang mga violator sa multang mula ₱500 hanggang ₱1,500, community service, o pagkakakulong ng hanggang 15 araw, depende sa uri ng paglabag at sa magiging desisyon ng hukuman.
Kaugnay niyan, hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan at mahigpit na sundin ang mga umiiral na patakaran sa wastong pamamahala ng basura sa bayan. #
