Content creator sa Angeles City, nakaligtas umano sa tangkang panghahalay at robbery; insidente, iniimbestigahan na ng pulisya
(TRIGGER WARNING: SENSITIVE CONTENT)
Iniimbestigahan na ng Angeles City Police ang insidente ng umano’y tangkang panghahalay at pagnanakaw sa isang content creator sa lungsod noong June 27, 2026.
Sa inilabas na video message ng biktima sa social media, inilahad nito ang sinapit na matinding takot at trauma matapos umano siyang lapitan ng isang armadong lalaki habang siya ay nasa kanyang nakaparadang sasakyan sa Friendship Highway, Brgy. Anunas bandang tanghali.
Ayon sa salaysay ng biktima, tinutukan umano siya ng baril ng suspek at agad na hiningan ng pera. Ngunit hindi lamang umano pagnanakaw ang pakay ng lalaki, dahil nagawa pa nitong sakyan at imaneho ang sasakyan ng biktima patungo sa ibang lugar.
Doon na umano siya pinilit na maghubad. Sinabi rin ng biktima na hinipuan siya ng suspek at nagtangkang gumawa ng mas malalang pang-aabuso.
Sa gitna ng pangyayari, pansamantala umanong umalis ang suspek at tila may kinakausap o kasabwat. Sa pagkakataong iyon, nagpumiglas ang biktima at nagawang makahingi ng tulong matapos mapansin ng isang Korean national ang kanyang kalagayan. Doon na siya na-rescue.
Kinumpirma ni Angeles City Police Director PCol. Joselito Villarosa ang ulat hinggil sa insidente. Aniya, iniimbestigahan na ng Station 4 ang insidente upang matukoy ang suspek at posibleng pananagutan nito.
Samantala, nakarating na rin kay Mayor Jon Lazatin ang insidente at agad niya itong pinatutukan sa mga otoridad upang matiyak ang mabilis at masusing imbestigasyon.
Patuloy namang kinakalap ng pulisya ang mga ebidensya, kabilang ang posibleng CCTV footage, testimonya ng mga saksi, at iba pang detalye.
Nanawagan din ang mga otoridad sa publiko na agad makipag-ugnayan sa pulisya kung may impormasyon kaugnay ng insidente.
Muling ipinaalala ng mga otoridad ang kahalagahan ng agarang pagreport sa ganitong uri ng krimen, gayundin ang pag-iingat sa pagbabahagi ng sensitibong detalye sa social media upang maprotektahan ang biktima at hindi maapektuhan ang imbestigasyon. #
