Suspek sa pamamaslang sa kapwa pandesal vendor sa CSFP, sumuko na
Boluntaryong sumuko sa Police Regional Office 4A nitong Lunes, June 8, ang suspek sa pagpatay sa kapwa niya pandesal vendor sa Brgy. Lara, CSFP.
Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si alyas “Ariel,” residente ng Brgy. Calibutbut, Bacolor, Pampanga.
Matatandaang naganap ang krimen noong May 30 sa harap mismo ng Brgy. Lara Hall, kung saan binaril at pinukpok pa umano ng bato ang biktima.
Ayon sa pulisya, matagal nang may alitan ang salarin at ang biktima kaugnay ng kanilang ruta sa pagbebenta ng pandesal. Nagsimula umano ang pagtatalo at habulan noong araw na iyon sa Brgy. Calibutbut bago nauwi sa trahedya sa Brgy. Lara.
Sa isinagawang follow-up investigation at intelligence operations, natukoy ng mga otoridad na nagtatago ang suspek sa bayan ng San Antonio, Quezon.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa Quezon Police Provincial Office upang matunton ang kanyang kinaroroonan bago siya tuluyang sumuko. #
