5.2-M voter applicants, naitala ng Comelec bago ang BSKE 2026
Umabot na sa humigit-kumulang 5.2 milyong aplikasyon ang naitala ng Commission on Elections sa loob ng pitong-buwang voter registration period para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa datos, ito na ang pinakamataas na bilang na naitala sa kasaysayan ng voter registration ng komisyon.
Pinakamataas ang bilang ng mga aplikante sa Calabarzon na umabot sa mahigit 838,000. Sinundan ito ng Central Luzon na may higit 574,000, at National Capital Region na may humigit-kumulang 562,000 applicants. Samantala, pinakamababa naman ang naitala sa Cordillera Administrative Region.
Sa huling araw ng registration nitong May 18, dagsa ang mga aplikante sa mga Comelec office at partner sites tulad ng mga mall, kung saan karamihan ay first-time voters at kabataang nagnanais makilahok sa eleksyon.
Upang maayos na mapangasiwaan ang dami ng tao, ipinatupad ng komisyon ang “Last Day Scenario” kung saan nililimitahan ang bilang ng maaaring ma-accommodate ng bawat registration site.
Ayon sa Comelec, patuloy na ipo-proseso ang aplikasyon ng mga nakalista bago ang cutoff time. Ang mga hindi na umabot ay inilista pa rin upang mabigyan ng pagkakataong maproseso sa parehong araw o sa susunod na schedule.
Humingi naman ng pang-unawa ang Comelec sa publiko dahil sa biglaang pagdagsa ng mga aplikante na lumampas sa inaasahang kapasidad ng mga tanggapan.
Inihayag din ng komisyon na magkakaroon muli ng panibagong voter registration sa 2027 bilang paghahanda sa 2028 national at local elections, alinsunod sa Republic Act 8189 o ang “The Voter’s Registration Act of 1996.” #
