Guro mula Tarlac, tumanggap ng medalya mula kay King Charles III sa United Kingdom
Isang guro mula Tarlac ang kinilala sa United Kingdom matapos tumanggap ng Member of the Order of the British Empire (MBE) medal mula kay King Charles III.
Siya si Teacher Edison David, na kauna-unahang Pilipinong pinarangalan ng naturang medalya dahil sa kanyang ambag sa edukasyon at pamumuno sa mga paaralan sa England, kabilang ang pagsasanay at paggabay sa mga guro at school leaders.

Sa ginanap na royal investiture sa Windsor Castle nitong Miyerkules, May 13, nagsuot si David ng tradisyunal na barong mula sa Lumban, Laguna bilang simbolo ng pagpupugay sa kulturang Pilipino.
Mula sa pagiging gurong Pinoy, nakabuo si Teacher Edison ng karera sa United Kingdom kung saan pinangunahan niya ang iba’t ibang school improvement at literacy programs para sa mga mag-aaral.
Kasunod ng kanyang pagkilala, inaasahang makikipagtulungan siya sa Department of Education para sa pilot phonics at literacy program na layong mapalakas ang reading skills ng mga estudyanteng Pilipino.

Pinuri naman ni Education Secretary Sonny Angara ang tagumpay ni David at sinabing patunay ito na kayang makipagsabayan ng mga gurong Pilipino sa pandaigdigang larangan ng edukasyon.
Ayon naman mismo kay Teacher Edison, umaasa siyang magsisilbing inspirasyon ang kanyang natamong pagkilala upang mas marami pang Pinoy ang makatulong sa pagpapalawak ng literacy at edukasyon sa bansa. #
