2 Chinese national, huli sa ilegal na tire pyrolysis facility sa San Simon; ₱9.5-M gamit, nasamsam
Arestado ang dalawang Chinese nationals matapos salakayin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang umano’y ilegal na tire pyrolysis warehouse sa San Simon, Pampanga nitong May 14.

Kinilala ang mga naaresto na sina “Xong” at “Xing” na umano’y namamahala at operator ng pasilidad na nasa Golden Sun 999 Industrial Park sa Brgy. San Pablo Libutad.
Ayon sa ulat, natuklasan na walang kaukulang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang naturang pasilidad upang magpatakbo ng pyrolysis, isang prosesong gumagamit ng high heat para ma-decompose ang mga lumang gulong.
Nasamsam sa operasyon ang ilang tonelada ng steel wires, 225 piraso ng gulong, 30 sako ng tire ash, at iba’t ibang heavy equipment tulad ng loader truck, forklift, oil tanker, at industrial machines na may estimated total value na ₱9,579,850.
Lumabas din sa imbestigasyon na ang aktibidad ay nagdudulot ng makapal na usok, alikabok, at mabahong amoy na posibleng makasama sa kalusugan ng mga residente sa paligid ng lugar.
Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay kasunod ng search warrant kaugnay ng paglabag ng pasilidad sa Republic Act No. 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad upang matukoy kung may iba pang sangkot sa operasyon. #
