Bagong school calendar ng DepEd, target tutukan ang instructional time ng mga estudyante

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na layunin ng ipatutupad na three-term school calendar simula School Year 2026-2027 ang mas maayos at tuloy-tuloy na daloy ng pagkatuto ng mga estudyante sa buong bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang pagbabago sa schedule ay hakbang upang mas maging organisado ang pagtuturo at maiwasan ang madalas na pagkaantala sa learning process ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng bagong sistema, hahatiin ang school year sa tatlong bahagi:
- Opening Block – para sa paghahanda at pagsusuri sa kahandaan ng mga mag-aaral;
- Instructional Block – para sa tuloy-tuloy na pagtuturo ng mga aralin;
- End-of-Term Block – para sa pagre-review, remediation, at pagsasanay ng mga guro.
Paliwanang ng DepEd, hindi ito ituturing na trimester system kundi reorganisasyon ng grading periods, habang nananatiling pareho ang curriculum, mga asignatura, at kabuuang bilang ng school days.
Dagdag pa ng ahensya, mas bibigyan ng mahabang oras ang aktuwal na pagtuturo upang mas masigurong natatapos ang mga target na aralin at mas matutukan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng karagdagang suporta.
Bagama’t mandatory sa mga pampublikong paaralan, mananatiling may kalayaan ang mga pribadong institusyon na sundin ang sarili nilang school calendar, basta’t naaayon pa rin sa itinakdang curriculum standards.
Bago ang implementasyon, nagsagawa ng konsultasyon ang DepEd sa mga guro, school leaders, at iba pang stakeholders upang matiyak ang angkop na pag-aadjust sa bagong setup.
Patuloy ring nagsasagawa ng mga orientation at briefing ang Kagawaran sa buong bansa para ihanda ang mga paaralan sa pagbabago sa lesson planning, assessment, at operasyon habang mino-monitor ang unang implementasyon para sa posibleng pagpapaigting ng polisiya. #
