Full online classes, pinapayagan na ng CHED bunsod ng energy crisis
Inaprubahan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagbibigay ng flexibility sa lahat ng higher education institutions na mag-shift sa 100% online classes.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, bahagi ito ng kanilang “Academic Sustainability Plan” at nakabatay sa mga flexible learning rules na ginamit noong COVID-19 pandemic.
Target ng polisiya na bawasan ang gastos ng mga estudyante at guro sa pamasahe at kuryente na apektado rin ng kasalukuyang energy crisis dulot ng hidwaan sa Middle East.
Pinayuhan naman ng komisyon ang mga paaralan na tiyaking may sapat na IT infrastructure at handa ang mga guro sa digital teaching bago isagawa ang full online setup.
Nilinaw rin ng CHED na hindi otomatikong ituturing na accredited sa online distance education learning (ODEL) framework ang mga kolehiyo at unibersidad na magpapatupad ng full online classes.
May mga kinakailangang proseso at pamantayan pa raw para pormal na tawagin ito bilang pure distance learning provider.
Ayon sa CHED, bagama’t pansamantala lang ang hakbang na ito bilang tugon sa kasalukuyang krisis, puwede pa rin itong ipagpatuloy sa mga susunod na academic year.
Samantala, para naman sa mga kurso na may laboratory requirements at nangangailangan ng aktwal na pagsasanay, sasaklaw ito sa umiiral na patakaran ng CHED.
Ang desisyon ay kaakibat ng panawagan ng gobyerno sa energy conservation, alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 mula sa Office of the President, na nag-aatas sa lahat ng ahensya at institusyon na magpatupad ng energy-saving measures dahil sa tumataas na presyo ng global fuel. #
