208 puno sa Arayat, pinutol para sa road at drainage project; DPWH, may DENR permit
Umabot sa 208 puno ang pinahintulutan raw putulin sa Brgy. San Roque Bitas at San Antonio sa Arayat, Pampanga, bilang bahagi ng road rehabilitation at drainage improvement project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Nagdulot ito ng pangamba at mga katanungan sa social media dahil sa posible umanong epekto ng pagputol sa mga puno sa kapaligiran.
Permit mula sa DENR
Nilinaw naman ng DPWH Pampanga 1st District Engineering Office na mayroon itong Special Tree Cutting Permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR)-PENRO Pampanga na inilabas noong October 8, 2026.
Batay sa permit, saklaw nito ang 142 mahogany, 29 acacia, 22 narra, dalawang acacia florida, isang alibangbang, dalawang camachile, tatlong golden shower, isang molave, dalawang neem tree, at apat na yemane. Bahagi raw ang mga ito ng rehabilitation, reconstruction, at upgrading ng Arayat-Magalang Road sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act.
Paliwanag ng LGU
Samantala, sa isang Facebook video, ipinaliwanag ni Arayat Mayor Jeffrey Luriz na kailangan ang proyekto, partikular ang drainage system, para umano maiwasan ang pagbaha at pagkakaipon ng tubig sa mga kalsada.
Bagama’t nakalulungkot daw ang pagkawala ng mga puno, nilinaw ng alkalde na hindi ang munisipyo ang nagbigay ng pahintulot sa pagputol, kundi ang DENR. Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na ang LGU sa DPWH at DENR upang matiyak ang pagtatanim ng mga kapalit na puno.
Kapalit ng mga puno
Sa ilalim ng permit, inaatasan ang DPWH na magtanim ng hindi bababa sa 100 replacement seedlings sa bawat punong puputulin, o kabuuang 20,800 seedlings, na mas mainam kung indigenous species.
Kailangan ding isagawa ang tree-cutting operations sa ilalim ng pangangasiwa ng DENR technical personnel at may presensya ng otorisadong kinatawan ng LGU.
May bisa ang permit sa loob ng 50 calendar days mula sa petsa ng pagkakalabas nito, o hanggang maputol ang lahat ng otorisadong puno, alinman ang mauna.
Nanawagan naman si Luriz sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong kumakalat sa social media kaugnay ng nasabing proyekto. #
