Bilang ng unemployed na Pinoy, bumaba sa 5.1% nitong Pebrero: PSA
Bahagyang bumaba ang unemployment rate sa Pilipinas nitong nakalipas na Pebrero, batay sa pinakahuling Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa press conference nitong Miyerkules, April 8, inihayag ng ahensya na bumaba sa 5.1% o 2.66 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o negosyo.

Mula ito sa dating 5.8% o 2.96 million noong Enero ng kaparehong taon. Ibig sabihin, limampu’t isa sa kada isanlibong indibidwal na kabilang sa labor force ang unemployed.
Ang pagbaba ng unemployment ay kasabay ng pagtaas ng labor force participation rate sa 63.8%, o 52.09 milyong Pilipino. Nangangahulugan ito na mas maraming Pinoy ang aktibong naghahanap at nakahanap na ng trabaho.
Kaugnay nito, tumaas din ang employment rate sa 94.9% o katumbas ng 49.43 milyong Pilipino mula sa 94.2% o 47.94 million noong nakaraang buwan.
Bumaba rin ang underemployment rate sa 11.8%, o 5.84 milyong Pilipino ang naghahanap ng dagdag na trabaho o mas mahabang oras, mula 6.35 million noong Enero.
Ayon sa PSA, mas maraming oportunidad sa trabaho ang nagbukas sa mga sektor ng serbisyo, negosyo, at iba pang pangunahing industriya.
Samantala, bagama’t may pag-angat, nananatili pa ring hamon para sa ilang Pilipino ang pagkakaroon ng sapat na oras ng trabaho at mataas o karagdagang kita. #
