PH inflation, sumirit sa 4.1% nitong Marso; transport sector, malaking salik sa pagtaas
Mas ramdam ngayon ng maraming Pilipino ang pagtaas ng presyo ng bilihin matapos muling sumipa ang inflation rate sa bansa nitong nakalipas na Marso.
Sa isang press conference nitong Martes, April 7, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo sa 4.1% ang inflation ng Pilipinas mula sa 2.4% nitong Pebrero ng kaparehong taon.
Lumagpas din ito sa target range na 2 to 4% ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Pangunahing nagtulak ng pagtaas ay ang epekto ng sigalot sa Middle East na numero unong nagdulot ng oil price shocks, na sinabayan pa ng matinding paghina ng piso.

Dahil dito, mabilis na tumaas ang presyo ng produktong petrolyo na direktang nakaapekto sa pamasahe at gastos sa transportasyon. Naitala ang 9.9% inflation sa transport sector.
Ayon sa PSA, mahigit kalahati ng pagbilis ng inflation ay mula sa sektor na ito, dahil sa pagmahal ng presyo ng gasolina at diesel.
Sumunod na malaking ambag ang food and non-alcoholic beverages. Nasa 3% ang itinaas nito noong Marso, mula sa 1.8% noong Pebrero. Ito pa rin ang sektor na may pinakamalaking share sa overall inflation.
Samantala, tumaas din ang inflation sa housing, water, electricity, gas at iba pang fuel sa 4.3% nitong Marso mula 3.5% noong Pebrero.
Sa pangkalahatan, ito na ang pinakamataas na naitalang inflation rate ng PSA sa nakalipas na halos dalawang taon mula pa noong July 2024. #
