₱30.78-M ng ketamine, nakasilid sa solar cables; naharang ng Customs sa Clark
Nasabat ng Bureau of Customs – Port of Clark ang isang shipment na naglalaman ng 6,156 grams ng ‘ketamine’ na tinatayang nagkakahalaga ng ₱30.78 million.
Idineklara ang padala bilang ‘solar cables’ mula Netherlands at patungo sana sa Pasig City.

Ayon sa Customs, napuna ang shipment kasunod ng impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Unang nagpositibo sa illegal substance ang shipment sa pamamagitan ng K9 sniff test, kaya isinailalim ito sa mas masusing physical examination.
Dito na natuklasan ng mga otoridad ang isang wooden cable spool na naglalaman ng anim na plastic pouch ng white crystalline substance.

Agad itong nasuri gamit ang Rigaku Spectrometer at nakumpirmang ‘ketamine’, isang ilegal na droga sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Drugs Act of 2022.
Kaugnay nito, naglabas na ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Dangerous Drugs Act. #
