Iwasan ang pagpapalipad ng saranggola malapit sa linya ng kuryente: NGCP
Paalala ng NGCP sa mga magulang at lokal na pamahalaan: huwag hayaang magpalipad ng saranggola ang mga bata malapit sa transmission lines, tore, substations, at iba pang pasilidad ng NGCP.

Ngayong summer season, patuloy ang pagdami ng insidente kung saan ang mga saranggola ay sumasabit sa linya ng kuryente o kaya’y pumapasok pa sa loob ng substations. Ang ganitong mga pangyayari ay maaaring magdulot ng tripping, unscheduled power interruption, at panganib sa kaligtasan ng publiko.
Hinihikayat din ng NGCP ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad ng anti-kite flying campaign upang maiwasan ang aberya sa tuloy-tuloy na pagdaloy ng kuryente at mapanatili ang kaligtasan ng komunidad.
Paalala ng NGCP, ang ganitong mga gawain ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Anti-Obstruction of Power Lines Act.
Muli, para sa kaligtasan ng lahat at tuloy-tuloy na daloy ng kuryente, makiisa at sumunod sa mga itinakdang batas at alituntunin. #
