Suplay ng krudo, aabot hanggang June 30; 22-M litro ng diesel, dumating na sa bansa
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na may sapat na suplay ng krudo ang Pilipinas hanggang kalagitnaan ng taon, kasabay ng patuloy na hakbang ng pamahalaan upang palakasin ang energy security sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon sa Pangulo, tuloy-tuloy ang pagdating ng fuel shipments, partikular ang crude oil na ginagamit sa lokal na pagre-refine ng mga produktong petrolyo. Aniya, mas nakakatipid ang bansa sa pag-angkat ng krudo kumpara sa direktang pagbili ng refined fuel gaya ng diesel, na karaniwang mas mahal sa pandaigdigang merkado.
Matatandaang dumating nitong Huwebes, March 26, ang mahigit 700,000 barrels ng crude oil mula Russia na ipo-proseso sa refinery ng Petron Corporation sa Bataan. Ito ang hudyat ng muling pag-angkat ng langis mula Russia matapos ang pansamantalang paghinto noong 2022 bunsod ng epekto ng Russia-Ukraine conflict.
Sinabi rin ng Pangulo na may sapat na crude oil supply ang bansa hanggang June 30, ngunit patuloy pa rin ang paghahanap ng pamahalaan ng karagdagang suplay upang mabawasan ang epekto ng sigalot sa Middle East sa mga commuter at sa ekonomiya.
Bukod dito, dumating na rin sa bansa ang tinatayang 22.58 milyong litro ng diesel o katumbas ng halos 142,000 barrels bilang bahagi ng Emergency Energy Security Program ng Department of Energy (DOE). May pondong ₱20 bilyon ang programa sa ilalim ng Executive Order No. 110 na nagdeklara ng National Energy Emergency dahil sa sitwasyon sa Gitnang Silangan.

Layunin ng pamahalaan na makapag-angkat ng hanggang dalawang milyong barrels ng karagdagang langis sa pamamagitan ng Philippine National Oil Corporation (PNOC) at PNOC Exploration Corporation (PNOC-EC).
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, patuloy ang kanilang pagsisikap upang matiyak na hindi maaantala ang transportasyon, hanapbuhay, at pang-araw-araw na gawain ng mga Pilipino. Dagdag pa niya, simula pa lamang ang pagdating ng diesel shipment at inaasahan ang mas marami pang deliveries sa mga susunod na araw at linggo. #
