Pagpapalakas sa agri sector, sentro ng mensahe ni Sen. Pangilinan sa 140th anniv. ng PSAU

Dumalo si Senator Kiko Pangilinan sa pagdiriwang ng 140th anniversary ng Pampanga State Agricultural University sa bayan ng Magalang nitong Huwebes, March 19, kung saan nagsilbi siya bilang guest of honor.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangilinan ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa pagsusulong ng pambansang kaunlaran.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, iginiit niya ang pagpapalakas sa sektor sa pamamagitan ng mas maayos na extension services at suporta sa mga kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda.
Ibinahagi rin ni Pangilinan ang dalawang panukalang batas na kanyang inihain na layong ibalik sa pamahalaan ang Agricultural and Fisheries Extension Service at muling itatag ang Bureau of Agri-Fisheries Cooperatives sa ilalim ng Department of Agriculture.
Samantala, sa usapin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, sinabi ng senador ang kailangang bigyang-prayoridad ng pamahalaan kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng sigalot sa Middle East.
“Well, yung excise tax suspension tapos yung itong mga cash assistance na dapat pabilisin, yung mga fuel subsidy may mga budget yan, dapat lang mabilis kumilos ang gobyerno,” ani Pangilinan.
“Well, we have to monitor and hanapan ng paraan, may mga proposal na magdagdag so pag-aaralan natin. Right now, base sa estimates kasi, hindi naman na factory nitong problema ng sigalot sa Middle East ang kailangang we revisit it and kung kinakailangan mag-adjust sa budgetary support, we’ll do it,” dagdag pa ng Senador.
Sa ngayon, ramdam pa rin ng mga tsuper ang mataas na presyo ng krudo, na nag-uudyok ng tigil-pasada sa ilang transport groups.
Samantala, muli namang iginiit ng Malacañang na sapat ang suplay ng langis sa bansa hanggang unang linggo ng Mayo, batay sa datos ng Department of Energy, habang inaasahan ang pagdating ng panibagong fuel shipments. #
