3-term school calendar ng DepEd, aprubado ni PBBM
Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang three-term school calendar sa public schools sa bansa simula School Year 2026-2027.
Batay sa rekomendasyon ng Economic and Development Council, target ng bagong academic calendar na mabawasan ang epekto ng madalas na class suspensions dulot ng kalamidad at iba pang aktibidad at mapanatili ang mas organisadong pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa ilalim ng bagong sistema, papalitan ang kasalukuyang apat na grading period at gagawing three terms na may mas mahahabang araw ng pagtuturo at nakatakdang assessment periods.
Ayon sa Department of Education (DepEd), makikinabang ang mga mag-aaral sa mas tuloy-tuloy na instructional days at mas organized recovery periods.
Magkakaroon din ang mga guro ng mas maayos na workload dahil mababawasan ang grading cycle at magkakaroon ng oras para sa professional development at wellness breaks.
Pinatitiyak din ng Pangulo na mananatili ang itinakdang 180 days ng face-to-face contact time para sa mga guro at estudyante, kasabay ng paghahanda ng mga paaralan sa buong bansa para sa full implementation ng bagong sistema. #
