Tubig sa Abacan River, kontaminado; panghuhuli ng migratory birds at pangingisda, ipinagbabawal
Naglabas ng babala ang Angeles City LGU laban sa pagkain, pagbebenta, at panghuhuli ng mga isda at migratory birds mula sa Abacan River.
Ito ay makaraang matuklasan na kontaminado ang tubig na nagmumula sa naturang ilog, ayon sa City Health Office.
Sa isinagawang laboratory analysis, natukoy ang mataas na antas ng ammonia, nitrates, phosphate, oil and grease, at iba pang pollutants sa ilog na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan kapag nakonsumo ang mga lamang-ilog.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha at pagkain ng anumang aquatic resources mula sa Abacan River dahil posible itong magdulot ng seryosong sakit.
Pinaalalahanan din ang publiko na protektado ng Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang migratory birds. Ilegal ang paghuli, pagbebenta, o pag-aalaga sa mga ito nang walang pahintulot.
Hinikayat naman ang mga residente na agad i-report sa mga kinauukulang tanggapan ang anumang paglabag at makiisa sa pangangalaga ng kalusugan ng mamamayan at kalikasan ng Abacan River.
Nitóng mga nakaraang linggo, iniulat ng CLTV36 News ang kapansin-pansing pagdami ng mga dumadaong na migratory birds at tilapia fingerlings sa ilang bahagi ng Abacan River. #
