Iwas-peste: Synchronized planting, paraan upang pigilan ang pagkalat ng rice black bug
Nagbabala ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija ukol sa posibleng pinsala na dulot ng Rice Black Bug (RBB).
Ang RBB ay isang uri ng major insect pest na kayang sumira ng 15 to 23% ng mga pananim sa ilalim ng normal infestation, habang posibleng umakyat ng 60 hanggang 100% ang pagkalugi kung hindi ito mapipigilan.
Ayon kay Leonardo Marquez, Senior Science Research Specialist ng PhilRice Crop Protection Division, mahalaga ang tamang scheduling ng pagtatanim upang maiwasan ang pamemeste ng RBB. Posible raw kasing mailipat sa bagong pananim ang mga peste kung kaagad tatamnan ang lupa matapos ang anihan.
Kung mahuhuli naman daw ng dalawang buwan sa pagtatanim, higit na perwisyo ang tiyak na mararanasan dahil tanging ang mga bukirin na lamang na huling natamnan ang pupuntahan ng mga RBB.
Dahil dito, hinihikayat ng PhilRice ang mga magsasaka sa Central Luzon at iba pang bahagi ng bansa na magsagawa ng community-wide synchronized planting upang maiwasan ang population transfer ng mga peste.
Mahalaga rin daw na araruhin ang lupa pagkatapos ng harvest season o habang dry land preparation upang masira ang pinamumugaran ng mga RBB.
Makatutulong din umano sa pagbabawas ng mga peste kung ipapastol ang mga bibe sa bukirin. Paalala pa ng PhilRice, importante rin sa pagpapanatili ng masaganang ani ang regular na pagtatanggal ng mga sukal sa bukid. #
