Full implementation ng Balog-Balog Multipurpose Project, target ng NIA sa 2029
Isinusulong ngayon ng National Irrigation Administration (NIA) ang ganap na pagpapatupad ng Balog-Balog Multipurpose Project (BBMP) Phase II pagsapit ng 2029 upang mapalawak ang irigasyon sa higit 34,000 ektarya ng sakahan sa lalawigan ng Tarlac.
Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, nakatuon ang Phase I sa rehabilitasyon at pagpapabuti ng umiiral na mga sistema ng patubig na nakapagseserbisyo sa 12,475 ektarya ng lupang sakahan. Dahil aniya hindi sapat ang suplay ng tubig mula sa run-of-the-river irrigation, isinulong ang Phase II na kinabibilangan ng pagtatayo ng high dam.
Sa ilalim ng Phase II na may pondong ₱18 bilyon, itatayo ang Balog-Balog Dam sa Barangay Maamot, San Jose, Tarlac. Inaasahang makapagbibigay ito ng tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa buong taon at makapagpapataas ng cropping opportunities para sa tinatayang 21,000 magsasaka sa lalawigan.
Bukod sa irigasyon, inaasahan ding makatutulong ang proyekto sa flood control, hydropower generation, at turismo sa Tarlac.
Sa isinagawang study visit na inorganisa ng NIA, binigyang-diin ni Sherwin Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Finance, ang kahalagahan ng sapat na pondo upang matiyak ang tuloy-tuloy na kita ng mga magsasaka.
Samantala, dahil matatagpuan ang dam malapit sa mga komunidad ng Indigenous Peoples (IPs), iginiit din ng Senador ang pangangalaga sa kapakanan ng mga maaapektuhang residente. Hinikayat niya ang mga miyembro ng IP na makilahok sa technical working group ng proyekto upang maipahayag ang kanilang mga saloobin hinggil sa pabahay, kabuhayan, at iba pang usaping may kinalaman sa kanilang kapakanan.
Kapag tuluyang naipatupad, makatutulong umano ang multipurpose project sa pag-unlad ng agrikultura, panlipunan, at turismo ng Tarlac. #
