Free surgical and medical mission para sa mga OFW, isinagawa sa Pampanga
Nagsagawa ng tatlong araw na surgical, medical, at optical mission para sa overseas Filipino workers at kanilang mga pamilya ang Department of Migrant Workers (DMW) mula February 18 hanggang 20 sa OFW Hospital sa Pampanga.
Layunin nitong magbigay ng libreng health services sa mga OFW, kanilang benepisyaryo, at iba pang underserved sectors, katuwang ang Makati Medical Center Foundation.
Kabilang sa mga serbisyong inihatid ang piling surgical procedures, medical consultations, laboratory services, at pamamahagi ng gamot.
Nagkaroon din ng vision screening, refraction, at libreng salamin para sa mga nangangailangan.
Ayon sa DMW, bahagi ito ng pagpapalakas ng serbisyong medikal ng OFW Hospital sa pamamagitan ng maayos na screening, diagnostic clearance, at organisadong operation scheduling upang matiyak ang kalidad ng pangangalaga.
Dumalo sa paglulunsad ng aktibidad sina First Lady Marie Louise Araneta-Marcos, DMW Secretary Hans Leo Cacdac, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan, at DOH Secretary Ted Herbosa.
Noong 2025, umabot sa mahigit 124,000 ang na-accommodate na pasyente ng OFW Hospital. Nakuha rin nila ang DOH License to Operate Level at ang Medical Facilities for Overseas Workers and Seafarers accreditation. #
