Ilang indibidwal na umano’y nakatira sa Sta. Ana, nahuling nagtatapon ng basura sa Arayat
Ilang indibidwal na nangungupahan sa bayan ng Sta. Ana, Pampanga ang nahuling nagtatapon ng basura sa karatig-lugar na Arayat, ayon kay Mayor Jeffrey Luriz sa kanyang Facebook live nitong Huwebes, February 19.
Sa pahayag ng mga nahuli, kasalukuyan silang nakatira sa Brgy. Sta. Lucia, Sta. Ana. Unang beses daw nilang nagtapon ng basura sa lugar dahil sa tambak na ang mga ito sa loob ng kanilang compound.
Bunsod nito, ani Luriz, pansamantalang ikukulong ang mga nahuli upang hindi pamarisan ng iba. Nanawagan din siya sa publiko na huwag gawing dumping area ang kanilang bayan.
Samantala, sa isang opisyal na pahayag ngayong Biyernes, February 20, kinundena naman ni Sta. Ana Mayor Dinan Labung ang naturang pangyayari.
Iginiit niya na regular ang garbage collection kaya’t wala umanong naiiwang basura sa mga bahayan sa kanilang bayan. Mayroon din umano silang Materials Recovery Facility (MRF) na malapit lamang sa nasabing barangay.
Iginagalang at suportado rin daw niya si Mayor Luriz sa pagpaparusa sa sinumang lumabag sa batas. Ngunit, aniya, mahalaga munang matukoy ang buong pangyayari bago maglabas ng konklusyon.
Dagdag niya, bukas ang kanyang tanggapan para sa maayos at pormal na pakikipag-ugnayan sa Arayat LGU. #
