Chiz, ‘di raw tumanggap ng kickback, sinabing inaatake ang Senado

Mariing itinanggi ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang mga alegasyon na tumanggap siya ng kickback money mula sa flood control projects.
Sa isang pahayag sa kanyang official social media page, sinabi ng former Senate President na walang katotohanan ang mga sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Huwebes, September 25.
“By his own admission, he never had any contact with me directly regarding this matter. I will prove that he is lying about my alleged involvement,” ani Escudero.
Base sa sinumpaang salaysay ni Bernardo, nag-deliver siya ng 20% kickback ng ₱800 million na proyekto o halos ₱160 million sa malapit na kaibigan at campaign donor ni Escudero na si Maynard Ngu. Ang nasabing halaga ay commitment umano sa Senador.
Ayon kay Escudero, paninira lamang ito laban sa Mataas na Kapulungan at sa mga miyembro nito dahil puro mga senador ang itinuturo.
“Nasaan si Zaldy Co? Nasaan na si Rep. Martin Romualdez sa lahat ng ito? Nasaan ang mga kasabwat niya?” tanong pa ng mambabatas mula Sorsogon.
Nakahanda naman umano si Escudero na patunayan na wala siyang kinamalan sa nasabing isyu. #
