EJ Obiena, posibleng magpahinga muna sa SEA Games; Alex Eala, aabante sa Round-of-16 ng Jingshan Tennis Open

Posibleng magpahinga muna si Pinoy star pole vaulter EJ Obiena sa darating na Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa Thailand sa Disyembre upang bigyang-daan ang mas batang henerasyon ng mga manlalaro.
Bagama’t tatlong beses na siyang nagkampeon sa SEA Games at kasalukuyang hawak ang Asian record, iginiit ni Obiena na mas mahalaga para sa kanya ngayon ang pagbibigay ng karanasan kina Hokett Delos Santos at Elijah Cole kaysa sa panibagong panalo.
Paliwanag ng 29-anyos na Olympian, matapos manalo sa Atletang Ayala World Pole Vault Challenge sa Makati nitong Linggo, September 21, mas gusto niyang makita ang mga kabataang atleta na sumabak sa pressure at makalasap ng tagumpay sa naturang kompetisyon.
Gayunpaman, nilinaw rin niyang hindi pa niya tinatanggal ang SEA Games sa kanyang mga plano, dahil magiging strategic daw ang kanyang pasya batay sa kanyang kondisyon at sa potensyal ng mga kasamahan.

Samantala, patuloy naman ang pagpapakitang-gilas ni Pinoy tennis ace Alex Eala sa international scene matapos makuha ang kanyang ticket para sa Round-of-16 ng 2025 Jingshan Tennis Open sa China.
Tinalo ni Eala ang Belarusian tennis star na si Aliona Falei sa scores na 6-3 at 7-5. Itinuturing na top seed sa WTA125 tournament ang Pinoy pride na kasalukuyang nasa number 58 sa world rankings.
Makakaharap ni Eala sa susunod na round ang pambato ng Japan na si Mei Yamaguchi matapos nitong talunin si Cody Wong Hong Yi ng Hong Kong. #
