Application for asylum ni Harry Roque, kinundena ng human rights group
Mariing kinundena ng human rights group na KARAPATAN ang naging pahayag ni former Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na plano niyang mag-apply ng asylum sa The Netherlands.

Sa statement ng grupo na inilabas sa kanilang official Facebook page, sinabi nilang paraan lamang ito ng dating opisyal ng gobyerno na takasan umano ang kanyang mga pananagutan sa usapin ng pamamayagpag ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Matatandaang si Roque ay nadawit sa isyu ng POGO matapos magpag-alaman na legal counsel siya sa Lucky South 99 na na-raid noong June 2024.
Binigyang-diin din ng KARAPATAN na ang mga totoong asylum seeker ay mga taong nahaharap sa paglabag ng kanilang karapatan sa sarili nilang bansa. Ayon pa sa grupo, hindi nararapat si Roque para rito dahil naging kasangkapan siya sa pagpapatupad ng madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang pagdepensa umano niya sa mga pang-aabusong inuuugnay sa dating administrasyon kagaya ng mga extrajudicial killing.

Sa huli, nanawagan din ang grupo sa Dutch government na i-reject ang application for asylum ni Roque.
Nilinaw naman ni Vice President Sara Duterte na hindi kasali sa legal team ni ex-Pres. Digong si Roque para makapag-focus umano siya sa kanyang application for asylum.
Samantala, naniniwala sina Porac, Pampanga Mayoral aspirant Mike Tapang at ang kanyang ka-tandem para bise-alkalde na si Vince Lusung na dapat nang umuwi sa bansa si Roque para harapin ang mga akusasyon sa kanya kaugnay ng POGO.

Sa programang Plataporma 2025 ng CLTV36, tinanong ni Sonia P. Soto sa Yes or No portion ang dalawa kung sang-ayon ba sila sa pagpapa-uwi kay Roque at sumagot sila pareho ng ‘yes’.
Naging laman ng balita ang Porac, Pampanga matapos madiskubre sa Brgy. Sta. Cruz ang Mega POGO Hub habang sa Brgy. Señura naman ang mansion ng mga big boss ng POGO. ##