CSC, nagpaalala sa mga gov’t employee na maging politically neutral ngayong halalan

Pinaalalahanan ng Civil Service Commission (CSC) ang lahat ng kawani ng gobyerno na manatiling neutral at huwag makilahok sa mga partisan political activity ngayong papalapit ang halalan sa May 12 upang maiwasang masira ang tiwala ng publiko.
Ayon sa Joint Circular No. 1, s. 2016 ng CSC at Commission on Elections (Comelec), mahigpit na ipinagbabawal sa mga empleyado ng gobyerno ang pagsasagawa ng aktibidad na may layuning mangampanya o sumuporta sa isang kandidato o partido. Kabilang dito ang pagbubuo ng mga grupo at asosasyon para mangalap ng boto, pagsasagawa ng political rallies, at pamamahagi ng campaign materials.
Saklaw ng regulasyong ito ang lahat ng government employees anuman ang kanilang appointment status, kabilang ang mga kasalukuyang naka-leave, dahil patuloy umano silang sakop ng mga alituntunin laban sa electioneering.
Ang sinumang lalabag ay maaaring maparusahan batay sa 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS), kabilang ang suspensyon o di kaya ay pagkatanggal sa serbisyo.
Kasabay nito, muling ipinaalala ng komisyon sa mga kawani ang tamang paggamit ng social media alinsunod sa CSC Memorandum Circular No. 12, s. 2020. Nakasaad dito na hindi sila dapat mag-post, magbahagi, o magkomento sa anumang political content habang nasa oras ng trabaho. Ipinagbabawal din ang paggamit ng government-issued devices para sa anumang political discussion. #