Mga bagong pinuno ng BCDA at CIAC, nanumpa na
Nanumpa na si Atty. Hilario Paredes bilang bagong Chairman ng Board of Directors ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Pinangunahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang oath-taking nitong October 29, 2024.
Dating board member ng BCDA si Paredes na may karanasan sa public-private partnerships, kabilang na ang government infrastructure projects, at sa Build-Operate-and-Transfer Law maging sa corporate at commercial law.
Pinalitan niya sa pwesto si retired PGen. Thomas Lantion.
Samantala, sa parehong araw ay nanumpa rin kay Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista si Joseph Pascua Alcazar bilang President at CEO ng Clark International Airport Corporation (CIAC).
Sa loob ng 27 taon niyang management experience sa marketing, business development at telecommunications, isa sa mga naging posisyon ni Alcazar ang pagiging Chief ICT Advisor sa BCDA at sumuporta sa “Build Build Build” Program ng gobyerno.
Si Alcazar ang pumalit kay Arrey Perez na nag-resign nitong Setyembre.