92 magsasaka sa Capas, Tarlac, pinayuhan umanong bakantehin ang sakahan dahil sa proyekto ng BCDA
Aabot sa 92 magsasaka sa Barangay O’Donnell, Capas, Tarlac ang pinayuhang lisanin ang mga lupang kanilang sinasaka kaugnay ng isinusulong na proyekto ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ayon kay Barangay Captain Wendelle Mercado.

Ayon kay Mercado, naipamahagi na ang mga abiso sa mga apektadong magsasaka, ngunit marami pa rin ang nagtutungo sa barangay upang humingi ng paglilinaw dahil hindi pa umano nila alam kung saan sila ililipat at anong suporta ang matatanggap para sa kanilang kabuhayan.
“Pumupunta po sila sa barangay at nangangamba sa kanilang kabuhayan. Sinukat na ang lupa pero hindi pa malinaw kung saan sila pupunta,” ani Mercado.
Sinabi ng opisyal na produktibong sakahan ang ilan sa mga maaapektuhan ng proyekto.
Aniya, kung layunin ng industriyalisasyon ang pagpapaunlad ng kanayunan, dapat ding matiyak ang kapakanan ng mga residenteng maaapektuhan.
Sa naunang pahayag, sinabi ni BCDA President & CEO Joshua Bingcang na pag-aari ng ahensya ang lupang sakop ng proyekto at may kaukulang titulo. Nakalaan umano ang lugar para sa industrial development bilang bahagi ng programa ng pamahalaan para sa paglago ng ekonomiya.
Patuloy namang kinukuha ng CLTV36 News ang pahayag ng BCDA hinggil sa public consultation, relokasyon, livelihood assistance, at iba pang hakbang para sa mga apektadong magsasaka. #
