911 hotline, operational na sa buong bansa
Sa panahon ng sunog, aksidente, o anumang trahedya na nangangailangan ng agarang aksyon, isang numero na lang ang dapat tandaan ng bawat Pilipino — 911.
Opisyal nang inilunsad ng pamahalaan nitong Huwebes, September 11, ang nationwide emergency hotline na layong gawing mas mabilis at maayos ang pagtugon sa mga insidente saanmang panig ng bansa.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, papalitan ng 911 ang samu’t saring local emergency numbers na dati’y nagdudulot ng kalituhan sa publiko.
Ngayon, isang tawag lang sa 911, konektado ka na agad sa mga responder mula pulisya, bombero, medical rescue, at iba pang disaster response units.
Libre ang pagtawag sa 911 gamit ang landline o cellphone, kaya’t matitiyak ang access maging sa mga malalayong komunidad.
Katuwang sa proyektong ito ang Bureau of Fire Protection (BFP), PLDT Inc., at Next Generation Advanced (NGA) 911 Philippines. Gumagamit ang sistema ng mga makabagong teknolohiya gaya ng GPS tracking at realtime voice, text, at video transmission. Layon nitong tiyakin ang mas episyente at mas matibay na public safety response.
Dagdag pa rito, inaasahang madaragdagan ang bilang ng mga hotline operators sa susunod na 120 araw para mas mapabilis ang pagtugon sa mga tawag ng publiko.
Samantala, binalaan ni Remulla ang sinumang gagamit ng hotline para sa panloloko o prank calls.
Aniya, agad na iba-block ang kanilang numero at posibleng hindi na sila sagutin kung sakaling magkaroon sila ng totoong emergency.
Sa paglulunsad ng nationwide 911, isang mas pinadaling access ang hatid ng pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng bawat Pilipino. #
