7 Koreano, arestado sa Pampanga dahil sa illegal POGO
Timbog ang pitong South Korean nationals matapos salakayin ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit ang isang illegal POGO operation sa loob ng isang condominium sa Clark Freeport Zone noong October 13.

Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, isinagawa ang operasyon kasama ang South Korean authorities, Philippine Air Force, at Clark Development Corporation (CDC) bilang bahagi ng kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. laban sa ilegal na POGO.
Target sana ng operasyon ang isang South Korean fugitive, ngunit hindi ito naabutan ng mga otoridad. Sa halip, nadatnan nila ang pitong lalaki na abala umano sa online betting activities gamit ang mga workstation sa loob ng unit.
Lumabas sa initial verification na matagal nang wanted ng BI ang isa sa mga nahuli na si Ha Dong Jun, 23-anyos, matapos umanong mabigong lisanin ang bansa nang ipasara ang mga POGO operation.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Immigration sa Taguig City ang mga suspek habang isinasagawa ang deportation proceedings. #
