6 na suspek sa holdapan sa Nueva Ecija, naaresto sa Laguna
Sa bayan ng Alaminos sa Laguna na naaresto ng mga otoridad ang anim na hinihinalang sangkot sa panghoholdap sa isang convenience store sa Gapan City, Nueva Ecija madaling araw nitong Miyerkules, November 11.

Bandang alas-tres ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng Regional Special Operations Group ng PRO 3 at mga kapulisan ng Calabarzon.
Naganap ang holdapan gabi noong Martes, November 10, sa Barangay Pambuan. Limang lalaki umano ang pumasok sa tindahan at tinangay ang tinatayang ₱43,000 na cash, apat na cellphone, at hindi pa matukoy na halaga ng GCash funds.
Bukod dito, itinali pa umano ng mga suspek sa stockroom ang dalawang babaeng kahera bago tumakas sakay ng isang puting van.
Na-recover naman sa operasyon ang apat na hand grenade, mga baril at bala, cellphone, pera at ang ginamit na getaway vehicle.

Inaalam na rin ng mga otoridad kung may kinalaman ang mga suspek sa iba pang robbery incident na kinasasangkutan ng mga branch ng kaparehong convenience store chain.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang anim na suspek at inihahanda na ang mga kasong robbery, paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at illegal possession of explosives. #
