5-minute response time, target ipatupad ng PNP sa ilalim ng dial 911
Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng limang minutong response time sa ilalim ng kanilang emergency call hotline na 911, ayon kay newly-appointed PNP Chief Gen. Nicolas Torre III.

Ani Torre, layunin ng hakbang na ito na gawing mas mabilis at mas epektibo ang serbisyo ng pulisya, bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na gawing mas accessible ang mga alagad ng batas sa publiko.
Plano rin umano ng PNP na isara na ang mga police box at community precinct na wala nang gamit sa imbestigasyon at kulang sa kagamitan. Sa halip, mag-iikot ang mga pulis sa mga kalsada na laging may dalang radyo para sa agarang tugon.
Ayon pa kay Torre, hindi na kailangang pumunta ng publiko sa mga presinto dahil isang tawag lang sa 911, darating na agad ang kapulisan.
Uumpisahan ang implementasyon nito sa Metro Manila at palalawakin sa buong bansa. Target din ng PNP na pababain pa ang response time sa tatlong minuto sa loob ng tatlong buwan. #
