5 katao, arestado sa drug den sa Cabanatuan City

Limang drug suspects ang nadakip matapos malansag ang isang drug den ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Martes, September 30.
Ang buy-bust operation ay isinagawa ng PDEA Nueva Ecija Provincial Office at Nueva Ecija Police Provincial Office Drug Enforcement Group sa Barangay Tinio kung saan winasak ang isang makeshift drug den.
Nalambat ang mga salarin na kinilalang sina alias Lando, 43-anyos; alias Ela, 52-anyos; alias Nio, 60-anyos; alias Bien, 35-anyos; at alias Rom, 34-anyos.
Nasamsam sa mga drug suspects ang siyam na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱61,200, mga paraphernalia, at ang ginamit na marked money.
Ang nakumpiskang iligal na droga ay isasailalim sa pagsusuri sa laboratoryo ng PDEA Region 3 sa City of San Fernando, habang sasampahan naman ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. #
