5 driver, huli sa paglabag sa transport law; Angeles City District Jail, negatibo sa ilegal na kontrabando
Limang driver ang nahuli ng Clark International Airport Police Station sa isinagawang Oplan “Kontra Kontrata” at Oplan “Pamasahe Tapat” nitong Miyerkules, January 21.

Lumabag umano ang mga driver sa probisyon ng LTFRB Memorandum Circular No. 2005-024 at Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Binigyan sila ng traffic citation tickets mula sa Clark Development Corporation Traffic Office bilang bahagi ng pagpapatupad ng batas.
Nakatutok ang operasyon laban sa mga colorum na sasakyan, overpricing at fare contracting taxis, at iba pang paglabag sa trapiko sa Vehicle Security Screening Area (VSSA) ng Clark International Airport.
Ipinaalala rin sa publiko at sa mga driver ang umiiral na mga batas hinggil sa tamang singil sa pasahe, wastong lisensya sa pag-ooperate, at obligasyon sa maayos na pagbibigay-serbisyo.
Samantala, sa iba pang balita, nagsagawa ang PDEA Pampanga ng search and seizure operation at random drug testing sa mga persons deprived of liberty at mga BJMP personnel sa Angeles City District Jail sa Barangay Sto. Domingo.

Katuwang dito ang PDEA Clark Airport Interdiction Unit–K9 Unit kung saan isinailalim sa inspeksiyon ang male and female dormitories ng nasabing kulungan.
Lumabas na negatibo sa ilegal na droga, iba’t ibang paraphernalia, at iba pang kontrabando ang parehong dormitoryo.
Ayon sa PDEA, ang naturang hakbang ay bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa mga pasilidad at komunidad. #
